-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Senado ang legalidad at implementasyon ng internet voting para sa mga Overseas Filipino para sa papalapit ng May 2025 national and local elections. 

Ang panawagan ni Pimentel ay sa gitna ng mga pangamba ukol sa system glitches, security risks, at questions of legal authority. 

Sa ilalim ng Senate Resolution No. 1344, hinimok ni Pimentel ang Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung kumilos sa loob ng kanyang kapangyarihan ang Commission on Elections (Comelec), kung ang sistema ay umaayon sa mga pamantayan ng transparency, voter verifiability, at electoral integrity.

Binanggit ng senador ang maraming reklamo mula sa mga Pilipino sa ibang bansa tungkol sa patuloy na proseso ng online voting, kabilang ang mga nawawalang vote confirmation receipts, inaccessible online platforms, at interface glitches na naiulat na nagdulot ng kalituhan at kawalan ng tiwala sa mga botante.

May ilan ding nagsabi na ang mga QR code na generated ng system ay nagpapakita ng maling impormasyon o hindi nababasang datos ng boto kapag ini-scan. 

Noong Abril 21, tinatayang nasa 80,000 lamang sa 1.2 milyong rehistradong overseas voters ang nakapag-sign up para sa internet voting. 

Ayon kay Pimentel, maaaring sumasalamin ang mababang bilang na ito sa patuloy na pagdadalawang-isip ng mga botante hinggil sa accessibility, legality, at reliability ng sistema.