Pumalag si Senator Koko Pimentel sa pag-endorso ng PDP-Laban Cusi faction kay dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagkapangulo sa halalan sa darating na Mayo 9, 2022.
Sinabi ni Pimentel na nagpapakita lamang ang desisyon na ito nina Energy Secretary Francisco Cusi at mga kasamahan nito na sila ay “total strangers” sa PDP-Laban.
Hindi aniya alam nina Cusi na ang PDP-Laban ay binuo para nga labanan ang rehimeng Marcos.
Si Senator Koko ay anak ni dating senator Aquilino Pimentel Jr., isa sa mga founder ng PDP-Laban.
Nananawagan siya ngayon sa Comelec na kaagad na ibasura ang petition ng aniya’y mga “userpers” na ito.
Samantala, nagpapasalamat naman si Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos Jr., sa suporta na ibinigay ng PDP-Laban sa dating senador.
Sa Resolution No. 26, Series of 2022 ng National Executive Committee, na pirmado nina Cusi, at iba pang opisyal ng PDP-Laban Cusi faction, nakasaad ang kanilang pagsuporta para kay Marcos Jr.
Si Marcos Jr. anila ang nakikita nilang “most aligned” ang vision of governance sa 11-point agenda ng PDP Laban.
Nauna nang inendorso ng PDP-Laban ang ka-tandem ni Marcos Jr. na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Kapansin-pansin naman na hindi pumirma sa naturang resolution si PDP-Laban Vice President for Visayas Ben Evardone.