-- Advertisements --

Hinimok ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang gobyerno na pag-isipang muli ang panukalang singilin ang mga motorista sa paggamit ng EDSA bilang paraan para ma-decongest ang pangunahing lansangan ng Metro Manila.

“Hindi solusyon ang pangongolekta ng bayad sa mga motorista na gagamit ng EDSA. Ang kailangan natin ay mas maayos na mass transport system, hindi dagdag gastos para sa mga Pilipino na araw-araw nang nahihirapan sa trapik,” ayon kay Pimentel. 

Bagama’t pinuri ng senador ang mga plano ng gobyerno sa ilalim ng Comprehensive Traffic Management Plan (CTMP), sinabi ni Pimentel na dapat pag-aralan nang mabuti ang ilang panukala sa ilalim ng plano upang matiyak na epektibo at patas ang mga ito para sa publiko.

Ipinunto ng senador na maraming may-ari ng pribadong sasakyan ang napipilitang magmaneho dahil sa hindi maaasahan na sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa. 

“Walang choice ang maraming Pilipino kundi gumamit ng kotse dahil siksikan at kulang ang tren, bus, at jeep. Tama ang gobyerno, kung gusto nating maibsan ang trapiko sa EDSA, dapat ayusin muna natin ang transport system at imprastraktura. Pero hindi ibig sabihin na kapag nagawa natin pagandahin ang mass transport system, pahihirapan naman natin ang commuters na gamitin ang EDSA,” dagdag ng senador. 

Nagbabala rin si Pimentel na ang panukalang congestion fee ay maaaring makaapekto sa mga middle-class na Pilipino, maliliit na may-ari ng negosyo, at mga propesyonal na umaasa sa kanilang mga sasakyan para sa trabaho. 

Kinuwestiyon ng mambabatas kung pinag-aralan ng gobyerno ang potensyal na epekto sa ekonomiya ng naturang hakbang, kabilang ang mga epekto nito sa inflation at ang halaga ng mga bilihin at serbisyo.