CAGAYAN DE ORO CITY – Mismong si Sen. Koko Pimentel na ang umapela sa kanyang mga kasamahan sa PDP-Laban na isantabi muna ang pulitika at atupagin muna kung papaano makatutulong sa paglutas sa isyu ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Kaugnay pa rin ito ng naging pahayag ni Deputy Speaker Eric Martinez na may ilang mga miyembro ng PDP-Laban ang nagpapaikot umano ng resolusyon na humihimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo bilang bise presidente sa 2022 elections, na hindi naman nagustuhan ni Sen. Manny Pacquiao na siyang presidente ng partido.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Pimentel, na sia ring executive vice chairman ng partido, na hindi raw napapanahon na pag-usapan ang pulitika lalo’t nasa gitna pa ng health crisis ang bansa.
Umapela rin si Pimentel sa kanyang mga kapartido na nasa likod ng umiikot na resolusyon na huwag na itong ituloy para hindi magalit ang publiko.
Magugunitang pinangalanan ni Pacquiao si Energy Secretary Alfonso Cusi na umano’y nasa likod ng resolusyon subalit mariing pinabulaanan naman ito ng kalihim.