Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong babaan ang height requirement sa mga aplikante ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Corrections.
Nakakuha ng 209 pabor na boto mula sa mga mambabatas ang House Bill No. 8261 o mas kilala bilang “PNP, BFP, BJMP and BuCor Height Equality Act.”
Layunin ng panukala na amyendahan ang Republic Act No. 6975 na nagtatakda ng minimum height requirement para sa civilian safety and security personnel na 1.62 meters sa kalalakihan at 1.57 meters sa kababaihan.
Nakasaad sa panukala na ibababa na sa tangkad na 1.57 meters, o 5-foot-2 para sa kalalakihan; at 1.52 meters o 5-foot naman sa kababaihan ang height requirement ng isang opisyal o miyembro ng nasabing mga ahensya.
Gayunman, sa mga nagnanais na maging kadete ng Philippine National Police Academy, mananatili sa 1.62 meters ang height requirement sa mga lalaki, at 1.57 meters naman sa mga babae.
Inalis din ng panukala ang waiver sa height requirement para sa appointment bilang opisyal o kawani ng PNP, BFP, BJMP o BuCor ng mga taong napapabilang sa cultural communnities or indigenous peoples.
Ayon kay Paranaque Rep. Joy Myra Tambunting, isa sa mga pangunahing may-akda ng panukalang batas, layon nito na tulungan ang mga Pilipinong nais maglingkod bilang pulis, bumbero, at jail guards ngunit nagdadalawang-isip dahil sa kasalukuyang height requirement.
Nauna nang nagpasa ang Senado ng sarili nilang bersyon ng panukala noong Setyembre.