Maituturing bilang regalo sa mga susunod na henerasyon ang pagkakaroon ng kalidad na public services sa Pilipinas kasunod nang paglalagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang batas na nag-aamiyenda sa Public Service Act, ayon sa may-akda nito.
Sinabi ni AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin, ang pagsasabatas sa mga amiyenda sa 85-anyos nang Public Service Act ay isang hakbang patungong liberalization gayong binibigyan linaw na ang depinisyon o kahulugan ng “public utility”.
Kung dati ay ang Judiciary ang may judgement sa kung ano ang maikukonsiderang public utility, ngayon malinaw na ito ay limitado na lamang sa distribution at transmission ng kuryente, petroleum at petroleum products trasmission, water distribution at wastewater systems, seaports, at public utility vehicles lamang.
Ibig-sabihin, ang ilang mga industriya na hindi kasama sa mga bagong depinisyon ng public utility ay bukas na sa 100 percent foreign ownership.
Kabilang na rito ang mga negosyo sa telecommunications, airlines, at railways.
“Under the new measure, the 40 percent cap on foreign equity ownership is lifted from public services not classified at public utility,” paliwanag ni Garin.
Iginiit ng kongresista na kailangan ng bansa na magkaroon ng mas marami pang foreign investments para magkaroon ng mas marami pang mga trabaho.
Sa ganitong paraan nakikita rin niya na mas makakabangon ang ekonomiya ng Pilipinas nang mas mabilis.