Pag-aaralan pa ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan kung itutuloy nila ang paghahain ng kaso laban sa National Irrigation Administration (NIA) kaugnay sa pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam na sinasabing sanhi ng malawakang pagbaha sa probinsya.
Ayon kay Cagayan governor Manuel Mamba, nais daw talaga ng mga mamamayan ng lalawigan na ituloy ang pagsasampa ng reklamo.
Gayunman, inamin ni Mamba na hindi ito sigurado kung magtatagumpay ang lokal na gobyerno sa kaso.
Una rito, sinabi ng pamunuan ng Magat Dam na naiintindihan nila ang sentimiyento ng mga mamamayan at mga opisyal na bumabatikos sa kanilang pagpapakawala ng tubig sa kasagsagan at pagkatapos ng bagyo.
Pero paliwanag ni Engr. Wilfredo Gloria sa panayam ng Bombo Radyo, sumusunod lamang sila sa nakalatag na protocol kaugnay sa water release.
Hindi rin aniya sila nagkulang sa paalala at iginiit na nagsagawa sila ng pre-release ng tubig bago pa man manalasa ang Bagyong Ulysses.