Inihahanda na ang kasong murder at illegal possession of firearm laban sa naarestong hinihinalang magnanakaw, na pumatay sa isang nursing student sa Barangay Buaya, Lapu-Lapu City.
Ito ay matapos humingi ng hustisya ang pamilya, kaibigan at kaeskuwela ng biktima na si Johanna Xhyrra Selim, 18-anyos na nursing student na si Johanna Xhyrra Selim at umapela ang mga kaanak ng biktima ng tulong pinansyal para sa libing nito.
Ayon sa pulisya, binaril ng magnanakaw ang biktima na natagpuan ng kanyang pamilya sa loob ng kanilang inuupahang silid noong Sabado ng umaga, Oktubre 15.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jul Muhammad Jamiri, hepe ng Intelligence Unit ng Lapu-Lapu City Police Office,binaril ng hinihinalang magnanakaw si Selim sa balikat at mabilis na dinala sa ospital, ngunit idineklarang dead on arrival.
Matapos ang krimen, tumakas ang suspek na kinilalang si Roy Cuizon, 42, dahilan upang magsagawa ng man-hunt operation ang mga pulis at sa loob ng 10 oras at nahuli ito sa Barangay Budlaan, Cebu City.
Napag-alaman na isang street vendor si Cuizon at may mga kamag-anak sa Budlaan.
Kasong murder at illegal possession of firearms ang isasampa laban kay Cuizon ngayong araw, Lunes, Oktubre 17.
Kasalukuyang nakakulong ang naarestong si Cuizon sa Lapu-Lapu City Police Station detention facility habang hinihintay ang pagsasampa ng kaso.