Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nadiskubreng kontaminado ang pinagkukunan ng tubig sa Baguiocity sa gitna ng deklarasyon ng acute gastroenteritis outbreak sa lungsod.
Ayon kay Health USec. Eric Tayag, base ito sa preliminary result ng pagsusuring isinagawa sa water sample mula sa isang pinagkukunan ng tubig sa lungsod.
Saad ng opisyal na nagsimula ang mga kaso ng diarrhea sa lungsod noong Disyembre 21, 2023 na inaasahan pa na tumaas ang bilang ng mga kaso.
Kaugnay nito, ayon sa DOH, tumutulong na ang Epidemiology Bureau at Center for Health Development Cordillera Administrative Region sa pamahalaang lungsod ng Baguio para mapangasiwaan at makontrol ang mga kaso ng naturang sakit.
Pinapayuhan naman ng ahensiya ang publiko na gumamit ng malinis na tubig na iinumin, para sa pagluluto, pagkain, pagsisipilyo at paghuhugas ng kamay at paghihilamos ng mukha.
Maaari din aniyang pakuluin ang tubig ng 2 minuto at inirerekomenda rin ang paggamit ng chlorine-based water disinfection solution o tablets mula sa health centers.
Pinapayuhan din ang mga residente ng lungsod na ireport ang anumang pagbabago sa kulay o amoy ng kanilang ginagamit na tap water.
Maalala, una ng idineklara ni Baguio city Mayor Benjamin MAgalong ang outbreak ng acute gastroenteritis matapos na umakyat pa sa 1,602 ang mga tinamaan ng sakit nitong araw ng Miyerkules kabilang na ang mga empleyado ng 218 establishimento at 80 households.-EVERLY RICO