CAUAYAN CITY – Natukoy na umano ng Inter-Agency Task Force ang pinagmulan ng sunog sa amusement park na Star City sa Pasay City, kamakailan.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Fire Chief Insp. Jude Delos Reyes, information officer ng Bureau of Fire Protection (BFP), hindi raw sa stock room, kundi sa isang gaming booth sa loob ng establisyemento nagsimula ang apoy.
Partikular na tinukoy ni Delos Reyes ang “Try Your Luck” booth na may mga stuff toy at bola.
Hindi naman binanggit ng opisyal kung arson o sinadyang sunugin ang lugar, pero ang pagkakatukoy sa pinagmulan ng sunog ay dahil daw sa resulta ng imbestigasyon at salaysay ng ilang testigo.
Inamin din ng BFP official na nagbago ang resulta ng findings sa sumunod na imbestigasyon kumpara sa unang findings.
Kabilang na rito ang mga naging salsaysay ng guwardiya, maintenance officers, engineers at bombero na unang rumesponde sa sunog.
Sa ngayon wala pa naman daw naghahain ng pormal na reklamo kaugnay ng umano’y alegasyon na pagnanakaw ng mga bombero sa gamit at pera sa katabing broadcast center ng Star City.