Pumalo sa $80 billion ang pingsamang yaman ng 50 pinakamayayamang Pilipino sa nakalipas na taon base sa Forbes’ Philippines’ 50 Richest list for 2023.
Base sa Forbes, ang pinagsamang yaman ng richest Filipinos ay tumaas ng 11% mula sa $72 billion noong 2021 kung saan mahigit kalahati ng mga mayayaman na nasa listahan ay nadagdagan pa ang yaman.
Nananatiling nasa top spot o pinakamayamang Pilipino ang magkapatid na Sy na nagmamay-ari ng tanyag na mall sa bansa kung saan nadagdagan pa ng $1.8 billion ang kanilang net worth na $14.4 billion.
Sinundan ito ng propery tycoon na si Manuel Villar Jr na nadagdagan pa ang yaman ng $1.9 billion kayat mayroon itong net worth na $9.7 billion bunsod ng malakas na housing market.
Nasa ikatlong pwesto naman ang ports magnate na si Enrique Razon Jr. na tumaas ang yaman ng $2.5 billion kayat ang net worth nito ay pumapalo sa $8.1 billion.
Ang San Miguel Corp. president at chief executive officer naman na si Ramon Ang ay tumaas sa ikaapat na pwesto matapos na lumobo ng 40% ang kaniyang yaman na may net worth na $3.4 billion kasunod ng pagkakabili nito sa Eagle Cement Corp.
Ikalimang pwesto naman si Tony Tan Caktiong and family na nagmamay-ari ng sikat na Pinoy fast food, tumaas ang kaniyang net worth sa $3.2 billion.
Sa naturang listahan, ikinonsidera ng Forbes sa pagpili ng pinakamayayamang Pilipino ang shareholding at financial information mula sa mga pamilya at indibidwal, stock exchanges, analysts at iba pang sources. Ang minimum net worth na ikinonsidera ay dapat na nasa $180 million.