-- Advertisements --
Bombo Radyo Joel Apolinario resort Lingig
KAPA founder Joel Apolinario’s resort in Lingig, Surigao del Sur (photo by Bombo Radyo Butuan)

(Update) BUTUAN CITY – Kinokonsiderang isolated resort ang pinagtaguan ni Kapa community ministry international founder at pastor Joel Apolinario sa may Brgy Handayaman, Lingig, Surigao del Sur.

Una rito, dakong alas-7:30 ng umaga ng Martes nang isilbi ang dalawang warrant laban kay Apolinario na nagresulta sa palitan ng putok matapos lumaban ang kaniyang mga tauhan.

Makaraan ang engkuwentro, napatay ang isang lalaking hindi agad nakilala habang isa naman ang sugatan matapos matamaan sa kaliwang paa.

Ito ay dinala na sa Bislig City Hospital na kalaunan ay nakilalang si Melecio Siano.

Naaresto naman sa operasyon si Apolinario at 23 na kasamahan habang nakumpiska ang 30 units ng M16 rifles, 2 units ng M4, 1 garand rifle, 3 60 caliber machineguns, 1 caliber 50 sniper rifle, 3 caliber 22 rifles, isang carbine, isang shotgun, 2 RPG rifles, 5 cal. .45 pistols, 2 rocket propelled grenades at maraming mga bala sa iba’t ibang uri ng baril.

KAPA Pastor Joel Apolinario 2

Napag-alamang ginawa ang operasyon ng pinagsamang puwersa ng PNP, SWAT, Philippine Coast Guard na binubuo ng RSOG, SDS, SAF, RPSB, 1st PMFC, R2, Lingig MPS kung saan dala ang warrant of arrest na una nang iniisyu ni Judge Gil Bollzos, presiding judge sa RTC Branch 21 sa Cagayan de Oro City.

May kinalaman ito sa kasong sydicated estafa na walang piyansang inirekomenda.

Habang ang search warrant naman ay iniisyu ni Judge Cayalina Shineta Tare-Palacio bunsod umano sa paglabag sa batas na RA 9516 at RA 10591.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Surigao del Sur Governor Alexander “Ayec” Pimentel nilinaw nitong wala silang alam na nasa kanilang lugar pala nagtatago si Joel Apolinario.

Aniya, ipinaalam na lamang daw sa kanila ang ginawang operasyon ng mga otoridad.

Kung babalikan June 2019 nang ipag-utos mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) at PNP-CIDG na ipasara ang mga tanggapan ng Kapa Community Ministry International.

Ayon sa Pangulong Duterte ang gawain umano ng KAPA ay malinaw na isang uri ng pyramiding scam.

Joel Apolinario KApa 1

Giit ng Pangulo, hindi kapani-paniwala ang patakaran ng KAPA na maging ang Bangko Sentral ng Pilipinas at Bank of Amerika ay hindi kayang mag-alok na ang pera na P100,000 ay agad na magkakaroon ng interes na P30,000.

Malinaw aniya na isa itong uri nang panloloko.