KORONADAL CITY – Naniniwala si Koronadal City incoming Vice Mayor Peter Q. Miguel na maayos ang operasyon ng Kabus Padatuon o KAPA na pinamununuan ni Joel Apolinario bago pa man pinakialaman ng third party o ni Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Para kay Miguel, “Donor to Donee” ang sistema at ang 30% na blessing ay isang good gesture lamang ng KAPA bilang pagpapakita ng pasasalamat sa mga miyembro nito.
Dagdag pa nito na dahil sa pagkawala ng KAPA ay maraming negatibong nangyari lalo na sa mga miyembro nito.
Samantala, ipinahayag naman ni Atty. Francis Carlos na iligal ang operasyon ng KAPA dahil wala silang maipakitang mga ligal na dokumento kaya malinaw na hindi donation ang nangyayari dahil naghihintay ng “return of investment” ang mga miyembro nito.
Paliwanag pa nito na may pananagutan ang sinumang opisyal ng gobyerno na nagbubulag-bulagan at nagpabaya sa proliferation ng investment scam.
Pinuri naman ng abogado ang hakbang ng gobyerno na protektahan ang mas marami pang mga Pilipinong posibleng mabiktima ng KAPA at iba pang investment scam.
Napag-alaman na ipinag-utos na ng DILG sa pangunguna ni DILG Sec. Eduardo Año sa lahat ng mga City at Muncipal Officials na ipatupad ang pag revoke sa lahat ng mga permits at lisensiya ng KAPA.