-- Advertisements --

(Update) LEGAZPI CITY – Pinaigting pa ng Masbate Police Provincial Office ang monitoring sa sitwasyon sa lalawigan kasunod ng nangyaring barilan sa pagitan ng isang punong barangay at tumatakbong bise alkalde sa Uson.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Major Ariel Neri, tagapagsalita ng Masbate Police Provincial Office, parehong nagsampa ng kaso ang magkabilang panig, sumailalim sa inquest proceeding at napalaya dahil iimbestigahan pa ang insidente ayon sa piskalya.

Sinampahan umano ng kasong attempted murder at frustrated murder si Kapitan Alwin Hugo ng Barangay Arado dahil sa alegasyon na ito ang suspek sa pamamaril sa grupo ni Municipal Councilor Renato Cabatingan kung saan tinamaan sa kaliwang binti ang supporter nitong si Roland Manangat.

Habang attempted murder naman ang isinampa kay Cabatingan matapos na gumanti ng putok ang grupo.

Batay umano sa pahayag ng vice mayoralty candidate, pinaputukan sila ng dalawang naka-face mask na lalaki na ang isa ay si Hugo.

Sinabi ng PNP official na malalimang imbestigasyon ang ginagawa upang matumbok ang totoong nangyari at mapanagot ang totoong may sala.

Pinalakas rin ang checkpoint, mga operasyon at koordinasyon sa mga barangay official upang maiwasan ang kaparehong insidente.