-- Advertisements --

Naitala ang pinakamababang budget deficit mula ng tumama ang COVID-19 pandemic sa bansa noong 2024, ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman.

Ang ibig sabihin ng budget deficit ay mas malaki ang ginagastos kesa sa kinikita ng gobyerno.

Sa isang statement, iniulat ng kalihim na bumaba ang budget deficit sa P1.506 trillion o katumbas ng 5.7% ng gross domestic product (GDP) ng bansa.

Nagpapakita aniya ito ng improvement mula sa 6.2% na budget deficit na naitala noong 2023 at lagpas pa sa inaasahang revenue at spending performance.

Saad pa ni Sec. Pangandaman na ang budget deficit noong 2024 ay pasok sa fiscal outlook ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa huli nilang pagpupulong.

Ayon pa sa kalihim, ang magandang performance na ito ay sumasalamin sa progreso ng ating bansa sa ilalim ng socioeconomic agenda at pagpapalakas ng posisyon ng bansa bilang isang dynamic emerging economy sa Asia-Pacific region.

Bunsod nito, tiniyak ni Sec. Pangandaman na mananatiling committed ang economic managers ng bansa sa pagpapalakas pa ng fiscal consolidation kaakibat ng pagprayoridad sa pangmatagalang investments sa mahahalagang sektor tulad ng imprastruktura, edukasyon at healthcare para sa tuluy-tuloy na pagrekober ng ating ekonomiya.

Siniguro din ng opisyal na makakatulong ang mga pagsisikap na ito sa paglikha ng mas marami pang trabaho, pagpapataas ng kita at pagpapababa ng kahirapan sa bansa.