Naitala ng Department of Health (DoH) ang pinakamababang kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) infections mula noong Pebrero 28 ngayong taon.
Sa pinakahuling datos mula sa Health department, nasa 87 na bagong COVID-19 infections lamang ang naitala kahapon.
Dahil sa bagong data ay naibaba nito ang total active infections sa 8,901 mula sa dating 8,940.
Sa ngayon ang total nationwide caseload ay nasa 4,077,183.
Samantala, ang total recoveries ay nadagdagan ng 106 kaya ang kabuuang bilang ng mga naka-recover ay pumalo na sa 4,002,115.
Wala namang naitalang bagong namatay sa virus at nanatili ang death toll sa 66,167.
Sa nakalipas na dalawang linggo, ang Metro Manila ang rehiyon na nananatiling mayroong mataas na bilang ng mga bagong kaso na 423.
Sinundan ito ng Davao Region na may 226; CALABARZON na mayroong 201; Soccksargen na may 117 at Northern Mindanao na may 90.