CAUAYAN CITY – Nangangamba ang Department of Health (DoH) Region 2 sa mababang bilang ng mga nagpapabakuna kontra Japanese encephalitis.
Lumabas sa talaan ng DoH na ang Region 2 ang mayroong pinakamaraming kaso ng Japanese encephalitis sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ng Regional Director Dr. Rio Magpantay ng DoH Region 2 ang kanyang pangamba dahil sa kakaunti pa lamang ang mga magulang na nagpabakuna sa kanilang mga anak kontra Japanese encephalitis.
Sa kasalukuyan ay nasa 15 percent pa lamang ang mga nagtungo sa mga health centers sa rehiyon upang magpabakuna.
Sa ngayon ay puspusan na ang information drive ng DoH Region 2 kaugnay sa sakit na Japanese encephalitis upang mapabakunahan na ng mga magulang ang kanilang mga anak na edad mula siyam na buwan hanggang 59 months.