Nagpapatuloy ngayon ang pinakamalaki at pinakamalawak na nationwide blood letting activity sa kasaysayan na tinaguriang “Dugong Bombo 2018” ng Bombo Radyo Philippines.
Ang taunang nationwide simultaneous blood-letting campaign kasama ang Philippine Red Cross (PRC), mga national at local sponsors, loyal supporters at mga volunteers ay gagawin sa 24 key cities at municipalities kung saan merong Bombo Radyo at Star FM stations.
Ang Dugong Bombo ay kabilang sa mga proyekto ng Bombo Radyo Philippines na nabigyan na rin ng paulit-ulit na parangal dahil sa may pinakamaraming units ng dugo na nalikom nang sabay-sabay sa loob lamang ng isang araw hindi lamang sa local kundi sa national level.
Tulad ng aming patuloy na panawagan, mahalaga ang pakikibahagi na magkaroon ng sapat na supply ng dugo sa panahong may dengue outbreaks at kakulangan ng supply lalo na sa buwan ng Nobyembre at Disyembre.
Kaya naman sa pangunguna ng Bombo Radyo Philippines, ang sinumang mamamayan, mayaman man o mahirap ay nabibigyan ng pagkakataong maging bayani at makatulong sa kapwa sa pamamagitan ng boluntaryong pagbibigay ng dugo.
Samantala, bukod sa snacks at fluid replacements na ibinibigay sa mga successful blood donors para makatulong sa recovery ng kanilang blood supply, sila rin ay pagkakalooban ng libreng special edition ng Dugong Bombo T-Shirt.
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang panawagan ng Bombo Radyo Philippines sa mga nais na maging blood donor o nais na humabol na magpalista lamang sa mga lugar na merong Bombo Radyo at Star FM stations.
Ang mga areas naman kung saan ginaganap ang Dugong Bombo 2018 ay sa lungsod ng Maynila, Tuguegarao, Cauayan, Laoag, Vigan, La Union, Dagupan, Baguio, Naga, Legazpi, Bacolod, Iloilo, Roxas, Kalibo, Cebu, Tacloban, Davao, General Santos, Butuan, Koronadal, Cotabato, Dipolog, Cagayan de Oro at Zamboanga City.