KALIBO, Aklan – Pormal nang pinasinayaan at binuksan sa publiko ang itinuturing na pinakamahabang tulay hindi lamang sa lalawigan ng Aklan kundi sa isla ng Panay.
Nagkakahalaga ng halos kalahating bilyong piso ang tulay na nag-uugnay sa Barangay Tigayon, Kalibo at bayan ng Lezo na bahagi pa rin ng Build Build Build program ng gobyerno.
Taong 2016 nang simulan ang pagpapatayo ng tulay at natapos noong Disyembre 2019 na magsisilbing alternatibong daanan upang makaiwas sa trapiko sa national highway lalo na ngayong panahon ng selebrasyon ng Kalibo Sto. Nino Ati-Atihan Festival.
Mapapaikli rin nito ang oras ng pagbiyahe mula sa capital na bayan ng Kalibo papuntang mga bayan sa western side ng lalawigan kabilang ang bantog na isla ng Boracay na dinadayo ng mga turista.
Pinangungunahan ni DPWH Secretary Mark Villar at Regional Director Lea Delfinado ang pagpapasinaya sa nasabing proyekto kasama ang mga lokal na opisyal ng Aklan.