Naglayag ang pinakamalaki at pinakamodernong balangay patungong West Philippine Sea partikular sa Pag-asa island para igiiit ang karapatan ng bansa sa territorial waters na pinaliligiran ng mga barko ng China.
Nitong gabi ng Martes, dumating sa isla ang naturang balangay na umalis mula sa Butuan City port noong Lunes, Mayo 27 sakay ang 19 na crew.
Nakatakda ding magsagawa ng medical mission ang mga ito sa isla.
Una ng nakaranas ng mga hamon bago maglayag ang balangay kung saan inabot ng 6 na oras ang crew na ilunsad ang B. Florentino Das sa Agusan River, ilang oras bago ang scheduled departure nito noong Mayo 25.
Ang modernong balangay na tinawag na Florentino Das ay mayroong couches at air conditioning sa cabin.
Mayroon din itong wi-fi at pinapaandar ng engine.
Binigyang diin naman ni dating transportation at environment undersecretary Art Valdez ang kahalagahan ng makasaysayang paglalayag dahil naglalayon itong ipakita sa China na naglalayag ang mga Pilipino sa disputed waters bago pa man ang kanilang claims.
Sinabi din nito na ang kanilang mensahe ay humanitarian at mapayapa, at paalala na ang mga Pilipinong nakasakay sa bangka tulad nito ilang libong taon na ang nakakalipas ay simbolikong lumaban sa lahat ng invaders.