Naitala ng Philippine Coast Guard ang pinakamaraming bilang ng mga barko ng China na idineploy sa Bajo de Masinloc sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ito ang iniulat ng PCG Spokesperson for the WPS Commo Jay Tarriela batay sa kanilang naging monitoring sa naturang lugar sa kasagsagan ng isinagawang Civilian mission ng Atin Ito Coalition kamakailan lang.
Batay sa datos, nasa sampung mga barko ng China Coast Guard, 15 Chinese Maritime Militia vessels, at isang People’s Liberation Army Navy ship ang kanilang naitala sa Bajo de Masinloc shoal noong mga panahon na nagsasagawa ng civilian mission ang naturang grupo sa lugar.
Aniya, ang bilang na ito ay hindi hamak na mas marami kung ikukumpara sa bilang ng mga barko ng China na kanilang una nang namataan sa Bajo de Masinloc shoal sa nakalipas na mga buwan.
Dati kasi aniya ay pumapalo lamang sa lima hanggang anim na mga barko ng China ang kanilang namomonitor sa nasabing shoal sa tuwing mayroong operasyon ang PCG at BFAR sa lugar, habang nasa apat na Chinese vessels lamang aniya ang kanilang namamataan sa lugar sa normal na mga araw.
Kaiba aniya sa naging deployment ng barko ng nasabing bansa noong nagkasa ng misyon ang Atin Ito Coalition kung saan nagsagawa pa aniya ng iba’t ibang layer ng security sa shoal para lamang subukang pigilan ang aktibidad ng Atin Ito Coalition.
Patunay lamang aniya ito na ikinababahala ng China ang isinagawang civilian initiative ng naturang koalisyon.