-- Advertisements --

Hinimok ng pinakamalaking confederation ng labor groups sa Pilipinas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara ng Araw ng Pagluluksa sa pagpanaw ng lider ng Simbahang Katolika na si Pope Francis.

Ayon kay Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) president at House Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza na isang taimtim at naangkop na pagpupugay ang Araw ng Pagluluksa mula sa mga mamamayang Pilipino na lubos na nagpapasalamat sa Santo Papa na nakiisa sa harap ng matitinding bagyong kinaharap lalo na ng mga manggagawa, mahihirap at ang mga nakalimutan na.

Umaasa din ito na magpapatuloy ang mga alaala ni Pope Francis na maging inspirasyon sa gitna ng mga kinakaharap na suliranin para sa mas makatarungan, patas at makataong mundo.

Kinilala din ng grupo ang namayapang lider ng Simbahang Katolika bilang isang kampeon ng mga manggagawa.

Kung babalikan, sa loob ng 12 taong nagsilbi bilang Santo Papa, binigyang diin niya ang dignidad at karapatan ng mga manggagawa para sa patas na sahod at ligtas na working conditions.

Tulad na lamang halimbawa noong 2022 kung saan idineklara ni Pope Francis na walang totoong kalayaan para sa mga manggagawa kung walang union at umapela para sa proteksiyon ng vulnerable workers kabilang ang migrants.

Inalala din ng support group para sa political prisoners na Kapatid ang malalim na pagsisikap ng Santo Papa para i-comfort ang mga nasa piitan.

Kung saan isa sa huling naging aktbidad ni Pope Francis bago siya binawian ng buhay noong Lunes, Abril 21, ay ang kaniyang pagbisita sa Regina Coeli prison sa Roma kung saan personal niyang binati ang nasa 70 preso noong Holy Thursday.

Bagamat hindi na nagawa ng Santo Papa na hugasan ang mga paa ng mga preso gaya ng tradisyunal niyang ginagawa dahil sa kaniyang karamdaman, ipinagdasal at binasbasan niya ang mga ito.