Nagdagdag pa ng pinapakawalang tubig ang San Roque Dam kasabay ng patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig nito.
Batay sa report ng Hydrology Division ng state weather bureau, kahapon ay nagpapakawala ito ng 348.42 cms na tubig habang ngayong araw ay umaabot na sa 402.52 cms ang pinapakawalan nito.
Naitala kasi ng naturang dam ang hanggang sa 1.28 meters na pagtaas sa lebel ng tubig nito sa loob ng 24 oras.
Ang naturang dam ang pinakamalaking dam sa buong bansa at mayroon itong 280 meters na Normal High Water Level(NHWL).
Ngayong araw, naabot ng dam ang 278.45 meters na lebel ng tubig, mas mataas kumpara sa 277.17 meters na lebel ng tubig nito kahapon.
Patuloy namang inaabisuhan ang mga residente sa mababang lugar na inaasahang maaapektuhan sa dam discharge na bantayan ang sitwasyon sa kanilang lugar at magsagawa ng maagang paglikas kung kinakailangan.
Ilan sa mga posibleng maaapektuhan nito ay ang mga bayan ng San Manuel, San Nicolas, Asingan, Tayug, Santa Maria, Villasis, Rosales, Santo Tomas, Alcala, Bayambang, at Bautista na pawang mula sa probinsiya ng Pangasinan.