-- Advertisements --

WASHINGTON, DC – Inanunsyo ni US President Donald Trump na aalis na ang Estados Unidos sa World Health Organization (WHO).

Bunsod umano ito ng maling pamamahala ng ahensya sa pandemya ng COVID-19 at iba pang krisis pangkalusugan sa buong mundo na hindi napangasiwaan ng maayos.

Ayon kay Trump, nabigo ang WHO na kumilos nang malaya mula sa hindi nararapat na impluwensyang pampulitika ng mga miyembrong estado ng WHO.

Umangal din ito paghingi ng hindi raw makatarungang mabibigat na bayarin mula sa Estados Unidos, kung saan hindi ito katumbas ng mga ibinibigay ng iba pang mas malalaking bansa, tulad ng China.

Magkakabisa ang pag-alis ng Estados Unidos sa United Nations health agency sa loob ng 12 buwan.

Bunsod nito, ititigil na ang lahat ng pinansyal na kontribusyon sa mga gawain nito.

Nabatid na ang Estados Unidos ang pinakamalaking fund contributor sa WHO, na nag-aambag ng humigit-kumulang 18% ng kabuuang pondo nito.

Ang pinakahuling dalawang taong budget ng WHO, para sa 2024-2025, ay $6.8 billion.

Pero ilan ang nagsabi na hindi na ikinagulat ang pag-alis ni Trump sa WHO.

Noong 2020, sa kaniyang unang termino bilang pangulo, gumawa siya ng mga hakbang upang umalis sa ahensya, na inaakusahan ang WHO ng pagtulong sa China na dayaan ang mundo tungkol sa pinagmulan ng COVID.

Mariing pinabulaanan ng WHO ang paratang at sinabing patuloy nitong pinipilit ang Beijing na magbahagi ng datos upang matukoy kung ang COVID ay nagmula sa pakikipag-ugnayan ng tao sa mga nahawaang hayop o dahil sa pananaliksik sa mga katulad na virus sa isang lokal na laboratoryo.