-- Advertisements --

Bukas ang pinakamalaking grupo ng mga employer sa Pilipinas sa ideyang saluhin ang health insurance coverage ng kanilang mga empleyado.

Kabilang na dito ang posibleng costs o halaga na maidudulot nito sa panig ng mga employer.

Ito ay sa gitna ng mga kontrobersiyang bumabalot sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis Jr., kung walang magiging improvement sa pamunuan ng PhilHealth, posibleng magself-insure na lamang aniya sila kung saan maaaring mas makikinabang pa ang mga empleyado.

Bagamat may mga kompaniyang naga-alok ng private health insurance, karamihan kasi ay nakadepende sa PhilHealth para sa health insurance coverage ng kanilang mga empleyado dahil ang mandatory health insurance system ang nakakasaklaw sa lahat ng mga Pilipino.