Opisyal ng isinara o pinadlock ang umano’y pinakamalaking Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa bansa na Island Cove sa may Binakayan, Kawit Cavite kahapon, Disyembre 17.
Pinangunahan nina Interior Secretary Jonvic Remulla, Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Alejandro Tengco, at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Director Gilbert Cruz ang pagpapasara sa naturang POGO hub.
Kasama din dito ang mga personnel mula sa Department of Justice (DOJ), Bureau of Immigration (BI) at Cavite local government.
Ginawa ng mga awtoridad ang naturang aksiyon bago pa man ang deadline sa December 31 na ganap na pagpapasara sa lahat ng POGO sa bansa alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nauna na ngang inihinto ng Island Cove ang operasyon nito noong Nobiyembre 30.
Ang Island Cove ay may kabuuang 57 establishimento kung saan 32 dito ay mga dormitoryo para sa kanilang mga manggagawa.
Ayon sa Island Cove general manager na si Ron Lim, nasa 12,000 manggagawang Pilipino habang mahigit 4,000 dayuhan ang mawawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng POGO hub.