-- Advertisements --

LA UNION – Milyong dolyar na ngayon ang halaga o danyos sa nangyayaring wildfire sa Hawaii, na lumawak pa sa tatlong isla partikular sa Maui at Lanai.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Bombo International News Correspondent Paul John Marcos Castillo, native ng Bacnotan, La Union na ngayon ay nagtatrabaho at nag-aaral sa Hawaii, sinabi nito na umaabot na sa 36 ang namamatay na karamihan ay mga matatanda sa Lahaina.

Karamihan sa mga namatay na residente sa nasabing lugar ay nasunog at na-suffocate sa usok matapos maabutan ang mga ito ng wildfire.

Inilarawan pa ni Castillo ang Maui, na pinakamalaking tourist destination sa Hawaii, na “devastated” matapos ang malawak na pagkasira na dulot ng wildfire.

Ani Castillo, malaking bahagi ng Maui ang tinupok ng apoy, lalo sa Lahaina, na itinuturing na makasaysayang lugar dahil ito ang dating kapital ng Hawaiian Kingdom, bago ang pormal na pagsakop ng Amerika bilang ika-50 estado nito noong Agosto 21, 1959.

Sinabi pa ni Castillo na maraming kabahayan, mga sasakyan at establisimento ang tinupok ng apoy.

Hanggang ngayon, wala pang supply ng kuryente sa malaking bahagi ng Maui at Lanai.

Mahigit na rin sa 10 libong mga tao ang lumikas at nananatili sa mga community center.