-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nakipagpirmahan ang Mariano Marcos State University na isa sa pinakamalaking unibersidad dito sa lalawigan ng Ilocos Norte sa National Intelligence Coordinating Agency o NICA sa isang Memorandum of Agreement o MOA para maprotektahan ang mga estudyante kontra sa terorismo.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Dr. Shirley Agrupis, ang Presidente ng nasabing unibersidad, sa pamamagitan ng inisyatiba na ito, magbubukas din ito ng mas maraming oportunidad para sa mga mag-aaral para hindi sila matakot na magsumbong o ipaalam sa mga kinauukulan ang mga pangyayari sa kanilang lugar.

Malaking tulong aniya ito para sa mga estudyante kabilang na ang iba pang mga stakeholders para ilayo sila sa pagsali sa makakaliwang grupo.

Sabi niya, dahil dito ay magiging ganap na ligtas at mahigpit na seguridad ang ipagkakaloob sa bawat mag-aaral ng nasabing unibersidad.

Kaugnay nito, sinabi ni Mrs. Mildred Abordo, ang Direktor ng National Intelligence Coordinating Agency, na inutusan silang pumunta sa lahat ng sektor ng komunidad upang ihatid ang impormasyon tungkol sa mga communist terrorist group na maaaring sumira sa kanilang kinabukasan.

Nais aniya nilang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar lalo na’t ang lalawigan kasama ang buong rehiyon uno ay itinuturing na insurgency free.

Dagdag pa niya, layunin nila ang isang mapayapa at maayos na pamumuhay para sa mga residente sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lahat ng kinauukulang indibidwal at grupo upang makamit ang isang masayang pamayanan.