Bubuksan na bukas, July 12, ang pinakamalaking West Phil Sea conference ngayong 2024.
Ito ay bilang selebrasyon sa ika-8 taong anibersaryo ng Arbitral Award na iginawad ng Permanent Court of Arbitration sa Pilipinas noong 2016 na nagpapawalang bisa sa claim ng China sa West Philippine Sea.
Ang naturang komperensya ay inorganisa ng Stratbase ADR Institute sa pakikipagtulungan ng Australian Embassy at US Embassy sa Pilipinas.
Inaasahang dadaluhan ito ng mga Ambassador ng United States, Australia, Canada, France, at Japan.
Makikibahagi rin dito ang National Security Council, top military officials mula sa Philippine Navy, Philippine Air Force, Philippine Coast Guard, at Presidential Office for Maritime Concerns
Binigyang-diin naman ni Stratbase Institute President Professor Dindo Manhit ang kahalagahan ng naturang kumperensiya na dadaluhan ng mga bansang sumusuporta sa 2016 ruling.
Ayon kay Manhit, kailangang magkapit-bisig ang mga naturang bansa sa pagtiyak na iiral ang seguridad, katatagan, at progreso sa Indo-Pacific Region.