-- Advertisements --

Natuklasan ngayon ng mga astronomers ang sinasabing pinakamalapit na black hole sa ating solar system.

Ang nasabing black hole, na mas malaki ng 4.2 beses kaysa sa ating araw, ay iniikutan ng dalawang bituin sa tinaguriang triple system na may layong 1,000 light years mula sa Earth.

Idinetalye ng mga siyentipiko mula sa European Southern Observatory (ESO) ang kanilang findings sa isang pag-aaral na inilathala sa journal na Astronomy & Astrophysics.

“An invisible object with a mass at least 4 times that of the sun can only be a black hole,” saad ni Thomas Rivinius, isang ESO scientist na nanguna sa nasabing pag-aaral.

Ang light year ay ang yunit ng distansiyang astronomikal o layong tinatahak ng liwanag na dumaraan sa vacuum sa loob ng isang taon, at katumbas ng 5.9-trilyong milya.

Na-detect din ang nasabing black hole gamit ang 2.2m telescope sa La Silla Observatory sa Chile.

“We were totally surprised when we realized that this is the first stellar system with a black hole that can be seen with the unaided eye,” pahayag ni Petr Hadrava, isa ring scientist at co-author ng research.

Ayon sa mga eksperto, dahil sa kalapitan sa daigdig ng star system na tinawag na HR 6819, kaya raw itong makita ng mga nakatira sa southern hemisphere ng Earth kapag malinaw ang himpapawid sa gabi.

Gayunman, naniniwala naman ang mga dalubhasa na posibleng milyun-milyon pang mga bituin sa galaxy ang naging isa nang black hole, ngunit hindi nagbubuga ng X-Ray.

“There must be hundreds of millions of black holes out there, but we know about only very few. Knowing what to look for should put us in a better position to find them,” ani Rivinius.