CAMP SIONGCO, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte – Nasawi ang pinakamataas na lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters – Karialan Faction kasama ang 11 tagasunod nito sa ikinasang military operations sa Brgy. Kitango, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, nitong umaga ng Lunes.
Kinilala ni Brig. Gen. Jose Vladimir Cagara, ang Commander ng 1st Brigade Combat Team ang nasawi na si Mohiden Animbang alias Karialan, Chairman ng BIFF-KF; Saga Animbang, operation chief ng BIFF-KF na kapatid ni Mohiden, ang pinuno ng grupo. Maliban pa ito sa sampung mga tauhan nila na bumulagta din sa mas pinalakas at pinaigting na operasyon ng tropa ng pamahalaan.
“Nasamsam din natin ang 12 mga matataas na kagamitang pandigma nila na kinabibilangan ng limang M16A1, tatlong M14, dalawang M653, isang M4 at isang mataas na kalibre ng baril,” wika ni Brig. Gen. Cagara.
Sa ngayon ay patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng sampung iba pang mga terorista na nasawi sa operasyon ng militar na kinabibilangan ng operating troops ng 1BCT; 1st Scout Ranger company ng 1st Scout Ranger Battalion at Scout Platoon ng CAT 92 & 99.
Alas-7:30 kaninang umaga ng magsimula ang bakbakan ng tropa ng kasundaluhan sa Sitio Pendililang sa nabanggit na barangay laban sa 15 mga elemento ng BIFF-KF hanggang sa tuluyang nalipol ang mga ito gamit ang makabagong kagamitang pandigma ng militar.
Nabatid na nitong ika-22 ng Marso 2024, napatay din si Abu Halil, training officer ng BIFF-Karialan Faction at kapatid ni Khadafi Abdulatif, ang chief of staff ng BIFF-KF.
Ayon kay Major General Alex S. Rillera PA, pinuno ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central na matagal ng pinakiusapan ng ating kasundaluhan kasama ang MILF at gobyerno ang grupo nina Karialan ng BIFF na magbalik-loob na sa pamahalaan pero tumanggi at nakipagmatigasan pa rin ang grupo nila. “Mas nangingibabaw ang tungkulin ng inyong kasundaluhan na proteksyonan ang ating mamamayan laban sa paghahasik ng karahasan ng mga teroristang grupo, bagay na napilitan tayo na gamitan ng pwersa ang mga ito upang tuluyang matuldukan ang terorismo dito sa ating lugar,” wika pa ni Maj. Gen. Rillera.
“Aking binabati ang ating mga tropa sa 1BCT at iba pang mga operating units, bagaman at may pito tayong mga kasundaluhan na nasugatan sa labang ito, ating kinikilala ang kanilang kabayanihan sa pagtatanggol sa bayan. Isang napakalaking tagumpay ang ating nagawa sa pagbura ng BIFF-KF sa hanay ng mga teroristang pangkat”, dagdag pa ng Division Commander.