Naitala kagabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pinakamataas na lebel ng volcanic sulfur dioxide (SO2) emissions ng Kanlaon Volcano.
Batay sa inilabas na advisory ng Phivolcs, nagbuga ang naturang bulkan ng average na 5,397 tonelada ng sulfur dioxide mula sa bunganga nito, na siya nang pinakamataas na volume na nakita ng ahensya mula nang sinimulan nito ang monitoring.
Batay sa arawang tala ng ahensiya, mayroong average na 3,175 tonelada ng sulfur ang ibinubuga ng bulkan araw-araw mula nang pumutok ito noong June 3.
Pero bago ang pagputok nito, nakikitaan lamang ito ng hanggang sa 1,897 tonelada kada araw.
Maliban sa pagbuga, nakakapagtala rin ang ahensiya ng hanggang sampung volcanic earthquake araw-araw mula noong pumutok ito.
Batay pa sa advisory ng ahensiya, maaaring ang magmatic process na patuloy na nangyayari sa ilalim ng bulkan ang nagiging sanhi nito.
Muli namang nagpaalala ang ahensiya na nasa ilalim pa rin ng Alert Level 2 ang bulkang Kanlaon. ibig sabihin, nananatili pa ring mapanganib ang pagpasok sa (4) kilometer-radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa mga banta ng pagsabog, rockfall, pyroclastic density currents, at iba pa.