Nangako ang technical Education and Skills Development Authority na pagbubutihin pa nito ang serbisyo sa mga Pilipino.
Ito ay kasunod ng magandang approval rating na nakuha ng TESDA kung saan kumpara sa iba pang ahensiya ng pamahalaan, ito ang nakakuha ng pinakamataas na trust at approval rating, para sa 2nd quarter ng kasalukuyang taon.
Ayon kay TESDA Deputy Director General Aniceto “John” Bertiz III, makakaasa ang mga Pilipino na pagbubutihin pa lalo ng TESDA ang pagpupursige, upang makalikha ng dekalidad na mangagawang Pilipino.
Magsisilbi aniyang inspirasyon sa pamunuan ng TESDA ang kinalabasan ng 2nd quarter survey, daan upang lalo pang linangin ang karunungan, kakayahan, at kalidad ng mga mangagawang Pilipino, na maaaring maipagmalaki saan man sila mapunta.
Ayon kay Bertiz III, nagagawa ng TESDA na matulungang makapasok sa trabaho ang 8 sa bawat sampung Pilipino na nagtapos sa mga pagsasanay na ibinibigay nila.
Mabilis din aniyang nakakakuha ang mga ito ng disenteng trabaho, pagkatapos ang kanilang training, na isang indikasyon ng kalidad na serbisyo ng nasabing ahensiya.