Ipapasubasta ang kinikilalang pinakamatandang stone tablet na may nakasulat na Ten Commandments.
Ang tipak ng bato ay tinatayang mula pa noong 300 hanggang 800 AD, daan-daang taon mula noong nabuhay si Hesu-Kristo. Ito ay isang marble slab at may timbang na 52 kls.
Ginamit sa pagsulat ng Ten Commandments ang Paleo-Hebrew script, ang writing system na pangunahing ginagamit sa mga biblical kingdom ng Israel.
Ayon sa Sotheby’s auction house, gaganapin ang auction sa Disyembre 18, 2024. Mayroon itong inisyal na $1 – $2 million (P116 million) na presyo ngunit inaasahang mas malaki pa ang ilalaan dito.
Ayon kay Richard Austin, ang head ng Books & Manuscripts ng Sotheby’s, nakasulat dito ang Sampung utos ng Diyos na kinikilala sa Christian at Jewish tradition, maliban sa isang utos.
Hindi kasi nakasulat dito ang ikatlong utos: ‘Huwag gamitin ang pangalan ng Diyos nang walang kabutihan’.
Sa halip ay nakasulat dito ang bagong utos na magsamba sa Mount Gerizim, isang holy site na tinukoy sa bibliya kung saan isinagawa ng mga Israelites ang kanilang mga seremoniya ng pagpapala matapos silang maisalba mula sa Ehipto patungo sa ‘Promised Land’.
Una itong nahukay sa southern coast ng Israel noong 1913 at hindi agad natukoy ang kahalagahan nito sa kasaysayan.
Ginamit pa ito bilang isang ‘paving stone’ sa isang bahay sa Israel hanggang 1943. Kinalaunan, isang scholar ang nakakita rito na siya ring nakatukoy sa halaga.