
Posibleng mapilitan ang House Committee on Ethics and Privileges na patawan ng pinakamatinding expulsion si suspended Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. mula sa mababang kapulungan.
Liban na lamang kung magpakita ang mambabatas sa House of Representatives sa oras na magpaso na ang kaniyang 60 araw na suspensiyon sa Hulyo 30.
Ayon kay Committee chair, COOP NATCCO Rep. Chair Felimon Espares na magpupulong ang panel pagkatapos ng kasalukuyang suspensiyon ng mambabatas na ipinatupad noong Mayo 31 at magtatapos naman sa katapusan ngayong buwan ng Hulyo.
Kahapon, nagpulong ang panel kung saan tinalakay ang ilang usaping nakabinbin kabilang na ang kaso ni Cong. Teves.
Inamin naman ng opisyal na nakakaranas ng ilang hamon ang miyembro ng komite dahil sa patuloy na pagsuway ni Teves sa kautusan na bumalik na siya sa bansa.
Ang ipinapakita kasi aniya ng mambabatas ay kawalan ng interes nito na magtrabaho pa sa kapulungan.
Matatandaan na si Cong. Teves nga ang isa sa umano’y utak sa madugong Pamplona masaccre na ikinasawi ni dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pang indibidwal na nadamay sa krimen.