Planado na ang pagbabakuna sa mga baboy sa susunod na linggo bilang pagprotekta sa mga ito laban sa labis na pagkalat ng African swine fever (ASF).
Itinakda ng Department of Agriculture (DA) ang rollout ng mga bakuna sa Agusto-20, araw ng Martes, sa probinsya ng Batangas na kasalukuyang nasa ilalim ng state of calamity.
Sa inisyal na plano ng ahensiya, dalawang libong mga bakuna ang ituturok sa mga baboy na pagmamay-ari ng mga hog raiser na nagboluntaryo.
Ang mga naturang bakuna ay ang donasyon ng kompanya mula Vietnam kung saan unang bumili ang pamahalaan ng libo-libong dose.
Samantala, tiniyak naman ng DA na may sapat itong pondo sa ilalim ng indemnification program nito para sa mga hog raiser na may mga alagang baboy na sasailalim sa culling operation dahil sa epekto ng ASF.
Sa ilalim ng programa, babayaran ng P4,000 ang mga maliliit na baboy; P8,000 ang mga medium, habang P12,000 ang mga malalaking baboy.