ROXAS CITY – Isinalaysay sa Bombo Radyo ng isang Capizeño na kauna-unahang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa lalawigan ang kaniyang nadaanan bago tuluyang naka-recover sa naturang sakit.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Patient No. 13, residente ng bayan ng Jamindan, Capiz at kawani ng kapitolyo sa lalawigan, sinabi nito na dasal at pananalig sa Diyos ang nagpalakas ng kaniyang loob na gagaling ito at tuluyang maging COVID-19 free.
Aniya wala siyang naramdamang takot dahil nananatili siyang positibo na gagaling ito dahil marami ang nagdadasal para sa kaniya.
Sa ngayon ay wala na umano siyang ubo, lagnat, pananakit ng katawan at bumalik na rin ang gana nito sa pagkain.
Aminado si Patient No. 13 na naging mahirap ang kaniyang kalagayan sa loob ng isolation room habang siya ay nagpapagaling.
Nabatid na 8 araw itong tumagal sa Roxas Memorial Provincial Hospital Hospital bago dinala sa Western Visayas Medical Center sa lungsod ng Iloilo kung saan ginamot ito sa loob ng 14 araw.
Labis-labis rin ang pasasalamat ni Patient No. 13 sa mga medical staff na tumutok upang tuluyan itong gumaling.