-- Advertisements --

ILOILO CITY – Gaganapin sa Iloilo City ang pinakaunang Philippine Reserve Officers’ Training Corps Games Visayas Leg sa Agosto 13-10, 2023.

Ito ay kasunod ng isinagawang paglagda ng memoramdum of agreement sa West Visayas State University.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Major General Elpidio Talja, commander ng Air Force Reserve Command at chairperson ng Visayas Leg, sinabi nito na layunin ng nasabing aktibidad na mabigyan ng pagkakataon ang mga cadets na mag-compete para sa Olympic-level sporting events at international competitions.

Aniya, ito ay maghahanda rin sa mga batang atleta para sa international tournaments at ma-aabot ang layunin na gumawa ng grassroots sports programs para sa mga kabataan.

Kasama sa mga laro ay ang athletics, swimming, boxing, arnis, weightlifting, kickboxing, e-sports, basketball, volleyball, target shooting, at demonstration sports.

Ayon pa kay Talja, umaabot sa 1, 049 na mga enrollees ang inaasahang dadalo sa nasabing aktibidad mula sa Regions VI, VII, at VIII.

Personal namang dadalo si Senator Francis Tolentino na kabilang din sa partner ng Commission on Higher Education sa nasabing programa kasama ang Armed Forces of the Philippines at Philippine Sports Commission.

Maliban kay Tolentino, dadalo rin si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na magsisilbing guest of honor at keynote speaker.