ILOILO CITY – Pinal na ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na na huwag isapubliko ang pangalan ng mga artista na may kaugnayan umano sa iligal na droga.
Ito ang tiniyak ng Pangulo sa speech nito sa 25th National Federation of Motorcycle Clubs in the Philippines na ginanap sa Iloilo Convention Center.
Ayon kay Duterte, hindi nito maaaring ilabas sa publiko ang pangalan ng mga artista dahil mga sibilyan ang mga ito.
Nararapat umano ayon sa Presidente na sampahan ng kaso ang mga artista na mapatunayan na nagbebenta ng iligal na droga.
Nilinaw ng Pangulong Duterte na hindi naman tumatakbo sa eleksyon ang mga artista kaya hindi dapat na ipahiya ang mga ito kagaya ng mga politiko.
Napag-alaman na mahigit daw sa 30 mga celebrities ang kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nauugnay umano sa iligal na droga.