Asahan na umano ang pinalakas na opensiba laban sa teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) sa mga susunod na araw.
Ito’y matapos ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pulbusin na ang teroristang grupo.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, ginawa ni Pangulong Duterte ang utos hindi lang dahil sa nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu kundi dahil sa patuloy na karahasang ginagawa ng teroristang grupo.
Sinabi din ng kalihim na nanindigan ang pangulo na hindi kailanman makikipag-negosyasyon ang gobyerno sa ASG sa kabila ng patuloy na karahasang ginagawa ng mga bandido sa ilang lugar sa Mindanao.
Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa ngayon wala pang pangangailangan na dagdagan ang puwersa.
Inilabas na rin ng AFP Western Mindanao Command (Wesmincom) ang video footage na kuha sa CCTV noong kasagsagan ng kambal na pagsabog.