CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng Police Regional Office 10 ang mahigpit na seguridad para sa lahat ng mga kandidato na nagmula sa nasyonal hanggang sa lokal na posisyon na magsagawa ng kanilang pangangampanya o kaya’y paglusad ng mga aktibidad sa bisinidad ng Hilagang Mindanao.
Ito’y matapos hindi inalis ng pulisya na posibilidad na maaring maganap o mangyari rin ang pagkabaril kay incumbent Datu Piang,Maguindanao del Sur Vice Mayor Atty. Mohammad Omar Abpi Samama habang nasa kasagsagan ng kanyang pagtupad ng trabaho sa kanilang lugar nitong linggo lamang.
Sinabi ni PRO 10 Director Brigadier General Jaysen De Guzman na ipinag-utos nito sa kanyang nasasakupan ang pagpapatupad ng mas pinalakas na pro-active at intelligence driven security measures para masupil ang anumang mga pagtangka sa buhay ng mga kandidato na nasa kasagsagan ng kanilang pakikisalamuha sa mga botante sa mga lugar na binibisita nila.
Inihayag ng heneral na kailangang pantay na pagbigay seguridad rin ang ipaabot ng Philippine National Police para sa lahat kaya ipinapatupad ang naka-live monitored na pagsagawa ng overlapping checkpoints ng lower units sa mga partikular na bahagi ng rehiyon.
Magugunitang simula nang ipinapatupad ang gun ban alinsunod sa 2025 midterm elections, nasa 46 na personalidad na ang naaresto ng PRO 10 kung saan nakompiska mula sa kanila ang halos 40 na sari-saring uri ng baril kasama ang 289 na assorted ammunitions.