-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nakausap na ni Mr. Gelienor Pacheco, ang pinalayang hostage ng Hamas ang kanyang pamilya sa Barangay Cabayo sa bayan ng Vintar.

Sa pakikipanayam ng Bombo Radyo Laoag kay Mrs. Realyn Gamiao, ang hipag ni Pacheco, naging emosyunal ang kanyang pamilya ng sa wakas ay marinig na ang boses nito at ibinahagi ang naging karanasan sa kamay ng militanteng Hamas.

Base umano kay Pacheco, hindi naman siya sinaktan ng Hamas ngunit sa harapan niya mismo pinagbabaril ng mga militante ang kanyang alaga hanggang mamatay.

Matapos nito ay pinaluhod ng Hamas si Pacheco at itinutok ang baril sa kanya, kinumpiska ang kanyang cellphone at dinala sa kuta ng militante sa Gaza.

Sinabi pa umano ni Pacheco na sa loob ng isang araw ay isang bread lamang ang kanyang kinakain at para hindi sobrang magutom at manghina ay kumakain noon ng tissue.

Samantala, babalik si Pacheco sa Pilipinas at dadating sa lalawigan ng Ilocos Norte hanggang sa Disyembre 15 at inaasahang mag-uusap sila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Maalala na si Pacheco ay pinalaya noong nakaraang araw at sa ngayon ay nagpapalakas pa sa ospital sa Israel.