Ibinahagi ng Overseas Filipino Worker na si Jimmy Pacheco na pinalaya ng militanteng Hamas matapos itong dukutin patungong Gaza na gusto pa niyang mabuhay para sa kaniyang pamilya.
Aniya sa 49 na araw na ginugol niya habang bihag ng Hamas ang iniisip niya ay ang kaniyang pamilya na nagpatatag sa kaniya.
Sinabi din ni Pacheco kay PH Ambassador to Israel Junie Laylo Jr. na sumalubong sa kaniya kasabay ng kaniyang paglaya mula sa kamay ng Hamas ngayong araw na ang kaniyang pananalig sa Diyos ang dahilan kung bakit buhay pa siya.
Sa kasalukuyan, nakabalik na sa Israel si Pacheco kung saan sumasailalim ito sa physical at psychological examinations.
Ayon naman sa PH Embassy to Israel, masigla at nasa magandang kalagayan si Pacheco at nakakalakad at nakakapagsalita ito ng maayos.
Ikinagalak din ng Embahada ang pagpapalaya kay pacheco na nataon aniyang holy day of shabbat.
Nagpasalamat din ang Embahada sa gobyerno ng Israel sa pagprayoridad sa pagpapalaya sa mga bihag na isa sa pangunahing layunin nito sa gitna ng giyera sa pagitan ng Hamas at israel gayundin ang pagtulong ng Qatari government sa negosasyon ng magkabilang panig.
Samantala, nangako naman si Department of Migrant Workers officer in charge Hans Leo Cacdac na magbibigay ng tulong pinansiyal at kabuhayan ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para kay Pacheco at pinasalamatan ang lahat ng tumulong para sa pagpapalaya sa kaniya mula sa kamay ng Hamas militia.