Hindi na papatulan pa ng Armed Forces of the Philippines ang panibago nanamang claim ng China kaugnay sa new model agreement na pinapalutang nito sa usapin sa Ayungin shoal.
Ito ang naging tugon ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. kasunod ng naging pahayag ng Chinese Embassy in Manila na maglalabas ito ng recording ng isa umanong phone call conversation sa pagitan ng isang Chinese diplomat at ni AFP Western Command commander Vice Admiral Alberto Carlos hinggil sa nasabing isyu.
Ayon kay Gen. Brawner, ang hakbang na ito ng Chinese Embassy in Manila ay hindi makabuluhan at pagtatangka ng masamang pang i-impluwensya ng Chinese Communist Party.
Giit ng heneral, madaling ma-frabicate ang mga transcript, habang maaari rin aniyang mapeke at mamanipula ang mga audio recordings a pamamagitan ng deep fake.
Kaugnay nito ay sinabi rin ni Gen. Brawner na layunin lamang ng aksyon na ito ng China na ilihis ang atensyon ng lahat mula sa ginagawang mga agresibong aksyon ng kanilang China Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Gayunpaman ay tiniyak naman nito na nananatiling tapat at propesyunal na organisasyon ang buong hanay ng AFP sa pagtupad ng kanilang tungkulin at paglilingkod sa bansa at sa taumbayan.
Kasabay nito ay hinimok nito ang publiko na iwasan na ang pagpapakalat ng anumang uri ng mga hindi berepikadong mga impormasyon na maaaring magdulot ng misleading ng public opinion, gayundin ng mas malalang tensyon na kinakaharap ngayon ng Pilipinas.
Kung maaalala, una nang kinwestiyon ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang authenticity ng pinapalabas na ito ng China habang binigyang-diin niya na kung sakaling totoo man ang mga ito ay malaking paglabag aniya ito sa batas ng ating bansa at maging sa umiiral na international law.