BACOLOD CITY – Masaya at sabik nang makauwi sa kani-kanilang pamilya ang 49 na mga Pinoy na unang nangmula sa China at kasalukuyang nasa New Clark City, Athlete’s Village sa Capas, Tarlac.
Ngayon ang huling araw na ng kanilang 14 day quarantine period.
Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay Richard Delos Santos, isa sa Department of Foreign Affairs (DFA) “courageous 3” sa quarantine area, labis silang natuwa dahil negatibo silang lahat ng mga kasamahan sa DFA, DOH at mga Pinoy na nanggaling sa Wuhan, China.
Katulad ng mga kasamahan ay pinanabikan na niyang makapiling ang pamilya bago pa bumalik sa trabaho sa Office of Undersecretary for Migrant Workers Affairs.
Nagpapasalamat silang lahat sa mga sumuporta sa kanila at nagdasal para sa kanilang kalusugan.
Mensahe naman ni Delos Santos sa 2nd batch ng mga Pinoy na maka-quarantine din sa Capas, Tarlac na huwag silang matakot dahil katulad nila ay hindi din sila pababayaan sa facility.
”Masaya kami lahat dahil makakapiling na namin yong mga pamilya namin, and then sa Monday balik trabaho. Nagpapasalamat kami sa mga nagdasal, nagbigay suporta sa mga kasamahan namin sa trabaho, sa DFA at pamilya namin. With regards naman sa mga maka-quarantine dito sa New Clark City, huwag silang matakot kasi maayos naman ang facility, maayos naman ang ginagawa sa aming treatment dito walang problema. Lahat binibigay sa amin,” pagbabahagi pa ni Delos Santos sa Bombo Radyo Philippines.
Sa ngayon ay naghihintay na lamang sila ng send off ceremony bago tuluyang makauwi.
Inihahanda na rin ang pasilidad para sa inaasahang nasa 500 na mga Pinoy na uuwi ng Pilipinas sa mga susunod na araw mula sa Japan na lulan ng Diamond Princess Cruise Ship.
Dahil kahit na naka-quarantine na sila ng 14 days sa barko, sasailalim pa rin sila sa parehong quarantine period pagdating sa Pilipinas.