KORONADAL CITY- Patay ang pinaniniwalaang bomb courier samantalang sugatan naman ang kasama nito sa nangyaring shootout sa National Highway Prk, Don Juan, Brgy. Kenram, Isulan, Sultan Kudarat.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Lt Col. Modesto Ferrer, hepe ng Isulan Municipal Police Station, isang tawag umano galing sa isang concerned citizen ang kanilang natanggap kaugnay sa nasabing pamamaril kung saan agad naman nilang nirespondihan.
Ayon kay Ferrer, sakay sa mga motorsiklo ang mga biktima ng biglang lang umano silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Agad naman umanong dinala sa Sultan Kudarat Provincial Hospital ang mga ito ngunit isa ang dineklarang binawian ng buhay.
Kaugnay nito, laking gulat naman ng PNP matapos na marekober sa posisyon ng mga biktima ang pinaniniwalaang Improvised Explosive Device o IED.
Samantala, narekober naman sa crime scene ang 2 bala ng cal. 45 pistol, 10 empty shell ng cal. 45 pistol at 17 empty shell ng 9mm pistol at ang isang motorsiklo.
Sa ngayon, pinapag-aralan pa ng PNP kung ang mga ito ay mga bomb corriers na planong magpasabog muli sa nabanggit na bayan at kung may kinalaman ang mga ito sa nagyaring Isulan bombing noong nakaraang Sabado nga nag-iwan ng 8 sugatan.
Inaalam din ang mga nasa likod sa nasabing pamamaril.