(Update) KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng Isulan PNP sa nangyaring shooting incident sa National Highway Prk, Don Juan, Brgy. Kenram, Isulan, Sultan Kudarat.
Sa impormasyon ng Isulan PNP, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa isang concerned citizen tungkol sa nangyaring barilan sa nasabing lugar kung saan agad namang nirespondehan ng Isulan PNP sa pangunguna ni Captain Rovi Jardenil, deputy chief of police ng Isulan Municipal Police Station.
Base sa imbestigasyon, ang mga hindi pa matukoy na biktima ay sakay umano sa kanilang motorsiklo na may plate No. 1201-523743, nang bigla na lamang silang pinagbabaril ng ilang beses ng hindi nakilalang mga suspek kung saan tinamaan ang mga ito sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Nahulog naman sa motorsiklo ang isang biktima ng pamamaril habang nakatakas ang kasamahan nito.
Agad na dinala sa Sultan Kudarat Provincial Hospital ang biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan.
Narekober sa posisyon ng biktima ang isang improvised explosive device (IED), at narekober naman sa crime scene ang dalawang bala ng cal. .45 pistol, 10 empty shells ng cal. .45 pistol at 17 empty shells ng 9mm pistol pati na ang isang motorsiklo.
Sa ngayon inooberserbahan pa ang kalagayan ng biktima na naka-confine sa ospital.
Isasailalim din ito sa imbestigasyon sa oras na makarekober matapos makuhaan ng IED habang nagsasagawa na rin ng search operation laban sa isa pang biktima.
Inaalam pa rin ngayon ang mga suspek sa likod ng naturang pamamaril.