BAGUIO CITY – Arestado ang isang pinaniniwalaang marijuana courier matapos makumpiska sa kanya ang P7.8-M na halaga ng mga marijuana bricks sa checkpoint/interdiction operation na isinagawa laban sa kanya sa Purok 3, Barangay Bado Dangwa, Tabuk City, nitong Linggo ng gabi.
Nakilala itong si Michael Macad Assudo, 35-anyos, binata, magsasaka at residente ng Loccong, Tinglayan, Kalinga.
Batay sa report ng Kalinga Police Provincial Office, isinagawa ang operasyon matapos silang makatanggap ng impormasyon ukol sa pagbiyahe ni Assudo sa mga pinaniniwalaang marijuana na nakalagay sa isang kahon ng isang sikat na courier company lulan ng isang itim na motorsiklo.
Naharang ng mga otoridad ang motorsiklo at sa inspeksiyon ay nakita sa loob ng kahon ang 65 na mga marijuana bricks.
Nahaharap na ngayon si Assudo sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dahil dito, sinabi ni Kalinga PPO provincial director PCol. Davy Vicente Limmong, na kailangang higpitan ang intelligence operations at checkpoint operations dahil ito ang sagot para mahinto na ang iligal na transporasyon ng mga marijuana doon.