Pinag-aaralan na ng grupo ng mga archeologist at paleontologist ang mga natagpuang fossilized bones at mga ngipin ng hayop sa Tabuk City, Kalinga na pinaniniwalaang mula sa isang elepante.
Nadiskubre ng mga residente ang presensiya ng mga ito sa isang lugar, kasama ang mga petrified wood.
Agad namang nagtungo sa lugar ang mga mga eksperto mula sa Ateneo de Manila University, National Museum of the Philippines, at iba pang international institution upang suriin ang mga ito.
Pinaniniwalaang ilan sa mga butong natagpuan sa lugar ay bahagi ng panga ng isang elepante, kasama ang kaniyang mga ngipin.
Una nang nakarekober ang mga eksperto ng mga buto ng rhinoceros malapit din sa lugar, kasama ang mga buto ng stegodon, at iba pang mga hayop.
Batay sa naunang resulta ng pag-aaral sa mga ito, ang buto ng rhino ay tinatayang may edad na 709,000 taon.
Sa kasalukuyan, pinoprotektahan ng pamahalaan ang mga lugar kung saan nahukay ang mga ito habang patuloy na pinag-aaralan ang mga na-rekober na bagay.