CEBU – Naaresto ng otoridad sa loob ng isang pampasaherong barko ang isang umano’y miyembro ng Abella Criminal Gang, na wanted sa kasong murder at homicide noong Huwebes, Nobyembre 3, 2022.
Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group Cebu Field Unit, kasama ang Cebu City Mobile Force Company at Regional Intelligence Unit (RIU-7), ang akusado na si Argie Abella, 37, residente ng Barangay Busay sa Cebu City.
Nadakip si Abella matapos kasuhan ng murder ni Judge Ma. Lynna Pacamalan Adviento, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 58 sa Cebu City noong Marso 10, 2022 nang walang inirekomendang piyansa.
Kinasuhan din si Abella noong Setyembre 4, 2022, sa kasong homicide ni Judge Ricky Jones Macabaya, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 5 sa Cebu City at P120,000 bilang inirekomendang piyansa.
Ayon sa CIDG-7, bumiyahe ang akusado sa ilalim ng pangalan ng kanyang pinsan.